Konstruksyon ng Mega Hospital Project, minamadali na ng DPWH
Minamadali na ng Department of Public Works and Highways ang konstruksyon ng mega hospital project para sa Covid-19 patients sa Mandaluyong City.
Ang mega hospital na ito ay itinatayo sa loob ng National Center for Mental Health na layong matulungan ang mga pasyente na may severe COVID-19 cases sa National Capital Region, Calabarzon at Central Luzon.
Mayroon itong 132 bed capacity at target mai-turn over sa Department of Health sa katapusan ng buwan.
Ayon kay DPWH Undersecretary Emil Sadain, 6 na modular unit ito kung saan bawat isa ay may tig 22 kuwarto.
Sa ngayon, natapos na aniya nila ang 4 na unit at minamadali na ang pagtatayo ng 2 pa.
Maliban sa mega hospital facility na ito, una na ring natapos ng DPWH ang 2 cluster units ng off-site dormitories para naman sa medical frontliners kung saan bawat kwarto ay fully air conditioned.
Ang nasabing dormitoryo kayang makapag accommodate ng 96 katao.
Personal ding ininspeksyon ni outgoing DPWH Secretary Mark Villar ang nasabing proyekto na kanyang huling inspeksyon na bilang kalihim ng kagawaran matapos maghain ng resignation para kumandidato bilang Senador.
Madz Moratillo