Konstruksyon ng tulay na magkokonekta sa Cebu City at Mactan, inaasahang masisimulan na ngayong 2018
Inaasahang mauumpisahan na ngayong 2018 ang konstruksyon ng tulay sa Cebu na bahagi ng Philippine Inter-Island Linkage Project sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng gobyerno.
Ayon sa Department of Public Works and Highways o DPWH, ito ay matapos malagdaan ang kontrata sa pagitan ng Metro Pacific Tollways Corporation at Cebu Link Joint Venture para sa disenyo at konstruksyon ng Cebu-Cordova Link Expressway.
Ang tulay na isang toll bridge expressway ay may habang walo at kalahating kilometro at ang unang toll road expansion project ng MPTC sa labas ng Luzon.
Sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na ang proyekto ay makakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng Cebu at maging ng iba pang lalawigan sa ilalim ng Region 7 o Central Visayas.
Ayon sa Cebu-Cordova Link Expressway Corporation , subsidiary ng MPTC, ang proyekto ay mag-uugnay sa Cebu City at Munisipyo ng Cordova na matatagpuan sa Mactan island.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===