Kontrata ng QC sa EzConsult ng Zuellig Pharma, terminated na matapos muling makaranas ng problema sa online vaccination booking at registration
Tuluyan nang tinapos ng Quezon City Local Govenment ang kontrata nito sa EzCinsult ng Zuellig Pharma matapos muling makaranas ng technical difficulties sa online registration at booking ang mga residenteng nais magpabakuna kontra Covid-19.
Martes ng hapon nang matapos mag-anunsyo ang QC na magbubukas ng higit 50,000 slots para sa pagbabakuna ay hindi na makapag-log-in o makapag-register ang marami at ang iba ay naghintay pa ng mahabang oras para lamang makapagparehistro at makapagpa-book.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, sapat na ang panahong ibinigay nila sa Zuellig upang maayos ang kanilang sistema ngunit sa ika-siyam na pagkakataon aniya ay muling bumagsak ang online system nito.
Malaking abala at perwisyo na aniya ang idinulot ng nasabing online system para sa mga residenteng ang nais lamang ay makakuha ng schedule sa pagbabakuna.
Mayor Joy Belmonte:
“Imbes na mapadali, napabagal pa ang ating registration process. Ang nakakalungkot, taumbayan ang nagdusa, at nawalang saysay ang pagsisikap ng ating mga medical frontliners at volunteers na ilang buwan nang nagsasakripisyo para mapabilis ang ating vaccination process”.
Sinabi rin ni City Attorney Orlando Casimiro, na lumabag ang Zuellig sa obligasyon nito na batay sa kontrata ay magkakaloob ng maayos na serbisyo sa mga residente ng lungsod pero puro abala at pagkaantala lamang ang ibinigay ng kumpanya.
“The Information Technology portion of the Service Agreement with the city government will be terminated and damages will be claimed against Zuellig because of the delays, inconvenience and frustration that our QCitizens have experienced” – Atty. Casimiro
Dahil dito, ayon kay Casimiro, pinagbabayad ang Zuellig ng liquidated damages batay sa contract price para sa araw-araw na delay na idinulto ng online system alinsunod sa Section 9 ng nasabing kasunduan.
Ikinukonsidera rin ng City government ang pagsasampa ng civil at criminal charges laban sa kumpanya dahil sa kabiguang makatugon sa contractual obligation nito sa lungsod.
“We are filing appropriate charges against them through our Legal Department. We are doing this for the interest of our QCitizens and to protect their rights” – Mayor Belmonte
Samantla, dahil terminated na ang EzConsult, sinabi ni Mayor Joy na magregister na lamang sa city government-assisted QC Vax Easy portal https://qceservices.quezoncity.gov.ph/qcvaxeasy.
Gayunman, nilinaw ng alkalde na ang mga nakapagpa-book na sa pamamagitan ng EzConsult para sa slots ng July 1,2,3,5 at 6 ay tuloy pa rin ang vaccination at pinapayuhang magtungo sa mga sites at oras na itinalaga para sa kanila.
Kahit aniya terminated na ang kontrata sa Zuellig ay valid pa rin naman ang mga ongoing booking ganundin ang mga naka-schedule na para sa kanilang second dose.