Kontribusyon sa Philhealth, tataas sa Hunyo
Tataas na sa 4% ang kontribusyong kakaltasin sa mga miyembro ng Philhealth, mula sa Hunyo ngayong taon mula sa kasalukuyang 3%.
Sinabi ng PhilHealth, na ang mga miyembro na kumikita ng P10,000 hanggang P80,000 kada buwan ang maaapektuhan ng nasabing pagtataas na batay sa umiiral na Universal Health Care Law.
Ayon sa PhilHealth, dapat ay noong Enero pa ng kasalukuyang taon nila ipinatupad ang 3.5 percent na pagtaas sa PhilHealth premium mula sa kasalukuyang 3 percent, nguni’t dahil sa inaayos pa ng ahensiya ang kanilang IT system na hindi agad nila naasikaso dahil sa pandemya, ay sa darating na Hunyo na lamang nila sisimulan ang pagtataas sa premium contributions.
Target ng PhilHealth na makalikom ng P180 bilyon mula sa kontribusyon ngayong taon.