Kontrobersyal na MO #32 ng DA aalamin ni PBBM pagbalik mula Indonesia – SINAG
Ipapatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) pagbalik niya mula sa Indonesia para klaruhin ang isyu ng kontrobersyal na Memorandum Order number 32.
Tumulak patungong Indonesia ngayong Martes, May 9, si Pangulong Marcos para sa kaniyang pagdalo sa 42nd Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) Summit.
Sa panayam ng NET25 TV/Radyo program Ano sa Palagay Nyo? (ASPN), sinabi ni Rosendo So, chairperson ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ipinarating na niya kay Pangulong Marcos ang pangamba ng mga magsasaka sa ibinabang memorandum na pirmado ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian.
Babala ni So, potensyal na maulit ang nangyaring fertilizer scam sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo kung matutuloy ang memorandum na nagtatakda ng panuntunan sa paggamit ng bio-fertilizer.
Mas mahal kasi ang presyo ng binabanggit ni Sebastian sa memo kung ikukumpara sa iba pang presyo ng fertilizer na ibinebenta at gawa ng local manufacturers.
“Kung ito ay totoong bio-fertilizer, may source tayo ng P500 or less sa presyo bakit sina-cite yung P2,000, urea hindi 4k, ngayon 2bags, 2400 lang, mukhang mali ang memo na inilabas, dapat tingnang mabuti kasi nakita rin natin na yung bidding na nangyari sa bio-fertiliers, inilalagay nila sa P6,000 ang 5mg,” paliwanag ni So.
“Ganun kataas ang presyo kaya na-a-alarma tayo. Tinawagan natin at nalaman na rin ni Pres. Marcos kaya’t pagbalik from Indonesia, ipapatawag nya ang mga tao ng DA para matingnang mabuti bakit ganun ang nangyari,” dagdag pa ni So.
Sinabi ni So na bukod sa itinutulak na Bio-N fertilizer ay maraming opsyon na pagpipilian ang mga magsasaka.
Sa paglilinaw ng DA kahapon, May 8, sinabi nitong hindi ipinipilit ang Bio-N at malayang makakapili ang mga magsasaka ng fertilizer na gagamitin.
Sa 40-taong pag-a-aral ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang paggamit ng Bio-N kasama ng Urea ay magreresulta sa 11% dagdag sa ani ng mga magsasaka ng palay at mais.
“Kung acceptable sa farmers go ahead, yung presyo na sinabi ni Usec. Sebastian may problema, on alert na si Pres. about this,” diin pa ni So.
Sa impormasyon ni So, may matataas na opisyal na hindi pinangalanan ang nagtutulak sa paggamit ng mas mahal na bio-fertilizer.
Nangangamba rin aniya ang mga regional directors ng DA na kung susundin ang nasa memo ay baka maulit ang fertilizer scam.
Pagbili ng DA ng bio-fertilizers, pinai-imbestigahan sa Kamara
Samantala, pinaiimbestigahan naman sa Kamara ni Pangasinan Congressman Mark Cojuangco sa House Committee on Agriculture and Foods ang planong pagbili ng bio-fertilizer ng DA.
Ipina-alala ni Cojuangco ang nangyaring P728 milyong fertilizer fund scam na may kaugnayan din sa pagbili ng DA ng bio-fertilizers na kinasangkutan ni dating Undersecretary Jocjoc Bolante noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Iginiit ng mambabatas dapat na maging maingat sa paggastos sa pondo ng gobyerno lalo na sa mga bagay na hindi naman tiyak kung pakikinabangan talaga ng mga magsasaka.
Weng dela Fuente/Vic Somintac