Kontrolado na ang kaso ng Bird flu sa Leyte
Kontrolado na ang kaso ng H5N1 Avian Influenza o mas kilala bilang Bird flu sa Kananga, Leyte.
Ito ay matapos magpatupad ng mga hakbangin ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at pribadong sektor sa lalawigan.
Paliwanag ng Department of Agriculture Regional field office-8, matapos makumpirma ng Bureau of Animal Industry–Animal disease diagnosis and reference laboratory na positibo sa H5N1 antibody ang blood samples mula sa isang breeding farm sa Kananga, kaagad na nagsagawa ng preemptive culling ng mga ibon at manok sa isa sa limang bird houses na naobserbahang may mataas na mortality rate.
Binigyang-diin pa ng D.A. na nagsagawa ng depopulation ang farm management sa lahat ng bird stocks ng bird houses nitong March 15 at 16 upang mapigilan ang pagkalat ng sakit sa bisinidad.
Hinikayat naman ng D.A. ang publiko na makilahok sa monitoring at patuloy na surveillance ng mga poultry farm at iwasang mag-post sa social media ng mga hindi kumpirmadong balita na maaaring magdulot ng takot sa mga residente.