Kopya ng ITR ng 3 opisyal ng Pharmally, ipinasusumite sa Senado
Pinasusumite na ni Senador Franklin Drilon sa kumpanyang Pharmally Pharmaceutical Corporation ang kopya ng Income Tax records ng tatlo sa mga opisyal nito.
Kabilang na ang magkapatid na sina Mohit at Twinkle Dargani at ang director ng kumpanya na si Lincoln Ong.
Nais malaman ni Drilon kung may kakayahan ba ang tatlo na bumili ng mga luxury vehicle nagkakahalaga ng mahigit 60 milyong piso.
Nakapagtataka aniya dahil batay sa records, ang kumpanya ay walang naitalang income noong 2019.
Nauna nang ibinunyag ni Senador Richard Gordon na bumili ng mamahaling sasakyan ang tatlo ilang buwan lamang matapos nilang makuha ang kontrata para sa medical supplies sa Procurement Service ng Department of Budget and Management.
Samantala, pinakikilos ni Drilon ang Office of the Ombudsman at Commission on Audit para magsagawa ng kanilang sariling imbestigasyon sa kontrobersiyal na kontrata sa pagitan ng PS-DBM at Pharrmally.
Sabi ni Drilon na panahon na para panghimasukan ng 2 Consitutional body ang nadiskubreng anumalya ng Senado sa 10 Bilyong halaga ng kontrata na nakuha ng Pharmally samantalang ang kanilang kapital ay aabot lamang sa 625,000 piso.
Ang Ombudsman at COA aniya ay may kapangyarihang mag-subpoena ng testigo at mga dokumento.
Kailangan aniya ang special audit para tingnan ang nadiskubreng overpricing ng Senado sa biniling medical supplies.
Ayon sa Senador, dapat ding imbestigahan ang nagbitiw na si Undersecretary Christoper Lao ng PS-DBM para sa posibleng paglabag sa Anti-Graft Law nang paburan ang Pharmally kahit walang technical, legal at financial capabilities na siyang itinatakda ng Procurement Law.
Meanne Corvera