Korean national na tumakas sa BI detention center, arestado na
Naaresto na sa San Juan ang isang Korean national na tumakas sa detention center ng Bureau of Immigration (BI) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sa panayam ng programang Kasangga Mo ang Langit, sinabi ni Dana Sandoval, spokesperson ng BI, na naaresto na nitong Lunes, May 29, sa San Juan City si Kang Juchun, 38 anyos.
Bukod kay Kang, kasama ring naaresto ang dalawa pang Korean national na nagtago sa kaniya.
Sa panayam ni Rey Langit, sinabi ni Sandoval, “Ito pong balita, mainit pa, nahuli na po yesterday itong nawawalang Korean national, nahuli siya sa San Juan together with 2 other Koreans who are found to be harboring this Korean.”
Nakatakas si Kang sa detention facility matapos akyatin ang 20-talampakang perimeter fence ng pasilidad na may barbed wire.
Sinamantala raw nito ang blind spot sa detention facility pagkatapos ng pag-i-ikot ng mga guwardiya pasado alas-dos ng madaling-araw.
Ayon pa kay Sandoval, “All out ang manhunt nung siya ay nawawala sa detention center… we saw several proof na siya ay tumalon sa isang mataas na bakod, it’s a 20-ft wall na may barb wire. It’s hard to climb, when he fell, naniniwala ang mga tauhan natin na nagkaroon sya ng physical injury, which turn out to be true dahil i-ika-ika siya, napilayan sya because of jumping over the wall.”
Unang naaresto si Kang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong Pebrero, dahil sa standing warrant of arrest laban dito sa kasong murder at abandonment of a dead body.
Nasa Interpol alert din ang pangalan ni Kang, bukod pa sa pakikipag-ugnayan ng Korean government dahil sa hinala nilang planong pagpunta ng fugitive sa Pilipinas.
Katuwang ang Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan ng San Juan, mabilis na natukoy ang kinaroroonan ng tumakas na Koreano.
Nakikipag-ugnayan naman ang BI sa Korean Embassy sa bansa para sa deportasyon ni Kang.
“He is a fugitive from justice, yes he is for deportation. We are in contact with the embassy para mapabilis ang pag-asikaso ng travel documents, as a consequence of deportation mailalagay siya sa blacklist, he will not be allowed to enter the Philippines again,” pagdidiin pa ng BI spokesperson.
Mahaharap din sa kaso ng paglabag sa illegal drugs ang tatlo matapos makumpiska sa kanila ng arresting team ang mga illegal drug substance.
“May nakuha na illegal substances sa tatlong yun nung hinuli, the wanted plus the 2 others who have harbored him, will be facing charges from our law enforcement authority because of the substance na nakuha sa kanila,” dagdag pa ni Sandoval.
Weng dela Fuente