QCRTC, nag-isyu ng arrest warrant vs 3 Sanofi Pasteur officials kaugnay sa Dengvaxia controversy
Ipinag-utos ng hukuman sa Quezon City na arestuhin ang tatlong opisyal ng Sanofi Pasteur na akusado sa Dengvaxia case.
Ayon kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta, nagpalabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court laban sa tatlong opisyal ng Sanofi Pasteur na sina Stanislas Camart, Jean Louise Grunwaldat Jean Francois Vacharand matapos hindi sumipot sa itinakdang arraignment sa kanilang kaso noong Enero 27.
Binigyan ng hukuman ng kopya ng arrest warrant ang PNP, NBI at Embassy of France.
Kasabay nito, ibinasura ng korte ang mga motion to quash information ni dating Health Secretary Janette Garin at ng iba pang akusado.
Ipinagpaliban din ang pagbasa ng sakdal kay Garin at ilang akusado habang pending ang resolusyon sa inihain nilang motion for reconsideration.
Itinakda naman ng QCRTC ang pre-trial conference at arraignment ng iba pang isasangkot sa Dengvaxia controversy sa Marso 3, 2021, ika-2:00 ng hapon.
Moira Encina