Korte Suprema binalaan ang mga hukom sa Special Commercial Courts laban sa pag-delay ng pagresolba ng kaso
Pinaalalahanan ng Office of the Court Administrator ng Korte Suprema ang lahat ng hukom sa regional trial courts na itinalaga bilang Special Commercial Courts at mga hukuman na dumidinig sa commercial cases na mahigpit na sundin ang deadline sa pagresolba ng mga kaso.
Ito ay kasunod ng liham ni Finance Sec. Carlos Dominguez kay Court Administrator Jose Midas Marquez ukol sa sinasabing delay sa resolusyon ng iba’t ibang commercial cases sa mga korte gaya ng rehabilitation, insolvency, at liquidation cases.
Sa sirkular na inisyu ni Marquez sa mga hukom, binanggit nito ang laman ng sulat ni Dominguez sa OCA ukol sa kaso ng Land Bank of the Philippines na creditor-party sa maraming rehabilitation at insolvency proceedings.
Ayon kay Dominguez, tila may kwestiyunableng “trend” ng “unwarranted delay” o kaya ay circumvention ng court proceedings sa mga nasabing kaso.
Mistula rin aniyang ang ibang case proceedings ay sinadyang i-delay at nananatiling pending nang mahigit isang taon nang walang aprubadong rehabilitation plans.
Dahil dito, mahigpit na pinaalalahanan ni Marquez ang mga hukom sa Special Commercial Courts at mga humahawak sa commercial cases na sundin ang nakasaad sa batas na may hanggang isang taon lang ang mga hukuman mula sa petsa ng filing ng petisyon para kumpirmahin ang rehabilitation plan.
Inatasan din ang mga judges na magkaroon ng buong kontrol sa proceeding sa kanilang sala at magkaroon ng polisiya laban sa walang kabuluhang pag-antala sa mga kaso.
Mahalaga din aniyang sundin ng mga huwes ang time limit sa pagpapasya sa mga kaso.
Nagbabala si Marquez na ang kabiguan sa pagresolba sa mga kaso sa loob ng reglementary period ay katumbas ng gross inefficiency at may katapat na parusang administratibo laban sa mga pasaway na hukom.
Moira Encina