Korte Suprema, hindi maaaring diktahan ang DOJ sa pagpapatupad sa bagong GCTA Law – ayon kay CJ Bersamin
Hindi maaaring diktahan ng Supreme Court ang Department of Justice (DOJ) sa pagpapatupad ng Republic Act 10592 o bagong Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ito ang tugon ni Chief Justice Lucas Bersamin sa desisyon ng DOJ na suspendihin pansamantala ang pagproseso ng gcta ng mga inmates habang nirerebyu ang guidelines ng Bureau of Corrections (Bucor).
Ayon kay Bersamin, ang dinesisyunan ng Korte Suprema sa kanilang ruling noong Hunyo ay dapat retroactive ang implementasyon ng RA 10592 na ipinasa noong 2013.
Pero hindi anya nito pinagbabawalan ang DOJ na baguhin ang internal rules nito basta ito ay alinsunod sa konteksto ng batas.
Sinabi ni Bersamin na hindi pwedeng pangunahan ng Supreme Court ang DOJ dahil sarili nilang teritoryo ang nasabing isyu.
Maaari naman anyang kwestyunin sa Korte Suprema kung mayroong hindi kuntento sa pagpapatupad ng GCTA.
Paliwanag pa ni Bersamin hindi sakop ng kanilang desisyon ang usapin kung kasama ba ang mga na-convict ng heinous crimes sa GCTA.
Sa desisyon ng SC, immediately executory ang recomputation ng GCTA ng mga bilanggo at kung sasapat ang kanilang naipong time allowances ay agad silang palalayain.
Ulat ni Moira Encina