Korte Suprema, hindi pa inaaksyunan ang kahilingan ng DOJ na ilipat ang paglilitis sa kaso sa Mamasapano incident sa Metro Manila mula Cotabato City
Bigo ang Korte Suprema na aksyunan ang kahilingan ng prosekusyon sa Mamasapano incident na ilipat ang lugar ng paglilitis ng kaso sa Metro Manila mula sa Cotabato City.
Ito aykahit mahigit isang taon na ang lumipas nang sumulat ang Department of Justice o DOJ sa Supreme Court para sa transfer of venue ng Mamasapano case kung saan pinaslang ang 44 SAF troopers noong 2015.
Sa update na inihanda ni Senior Assistant state prosecutor Rosanne Elepano-Balauag ukol sa itinatakbo ng Mamasapano case, hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nareresolba ng Korte Suprema ang nasabing kahilingan ng DOJ.
Aniya noong January 12, 2017 sa pamamagitan ni dating Prosecutor General Victor Sepulvida ay sumulat ang prosekusyon kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno para sa transfer of venue ng kaso sa Metro Manila mula sa Cotabato.
Pero dahil hindi aniya naaksyunan ng Supreme Court ang nasabing request ay muling sumulat noong December 7, 2017 si acting Prosecutor-General George Catalan Jr. sa punong mahistrado para ulitin ang kahilingan ng DOJ na venue transfer.
Noong December 13, 2017 ay binigyan naman ang DOJ ng kopya ng sulat ni Presiding Judge Anabelle Piang ng Shariff Aguak, Maguindanao RTC Branch 15 sa Supreme Court.
Nakasaad sa sulat ng acting Presiding Judge ang kautusan nito sa mga akusado noong may 16, 2017 na maghain ng komento sa hiling na transfer of venue bilang pagsunod sa endorsement ng court administrator noong March 9, 2017.
Ayon sa judge, tanging ang mga akusado na sina Samsudin Upam, Mustapha Tatak at Lakiman Klid ang naghain ng oposisyon sa paglilipat ng lugar ng paglilitis.
Nahaharap sa 35 counts ng direct assault with murder ang 88 akusado.
Ulat ni Moira Encina
==== end ====