Korte Suprema hinimok ang mga bar applicants na magpabakuna na laban sa COVID-19
Hinikayat ng Korte Suprema ang mga approved bar applicants na magpabakuna na laban sa COVID-19 sa kani- kanilang LGUs para sa proteksyon ng mga bar examinees at personnel.
Sa Bar bulletin na inisyu ni Supreme Court Associate Justice at 2020/2021 Bar Exams Chairperson Marvic Leonen, sinabi na nakikipag-ugnayan na sila sa IATF para mapabilang sa vaccination program ang mga bar applicants na hindi pasok sa A2, A3, at A4 priority groups.
Aniya nagkaroon na sila ng positibong diskusyon kay Vaccine czar Carlito Galvez ukol sa nasabing kahilingan.
Inihayag pa ni Leonen na hangad niya bilang chairperson at ng Court En Banc na makakumpleto ng bakuna ang lahat ng bar applicants pagdating ng Nobyembre.
Sa ngayon aniya hinihimok ng SC ang bawat bar applicant na kabilang sa mga nabanggit na vaccine priority lists na magpaturok na sa lalong madaling panahon.
Kaugnay nito, plano rin ng Korte Suprema na bumili ng COVID-19 testing kits para sa mga bar examinees.
Iaanunsiyo naman ng SC sa Oktubre ang mga COVID protocols para sa bar exams sa Nobyembre kapag mayroon na silang informed view sa posibleng sitwasyon sa nasabing panahon.
Tiniyak ng mahistrado na naghahanda ang Korte Suprema sa iba’t ibang scenario at aktibong sinusubaybayan ang mga development sa pandemya mula sa ilang credible sources.
Pinayuhan pa ni Leonen ang mga aplikante na mag-ingat, mag-aral nang mabuti, at huwag magpakalat ng mga pekeng impormasyon.
Ang bar exams sa Nobyembre ang kauna-unahang localized, digitized, at proctored bar examinations sa bansa.
Una nang pumayag ang 16 na unibersidad para magsilbing local testing sites sa bar exams.
Moira Encina