Korte Suprema, hinimok ng ilang apektadong manggagawa sa Boracay na magpalabas ng TRO laban sa pagpapasara sa Isla
Ipinapahinto sa Korte Suprema ng ilang manggagawa sa Boracay kabilang ang isang driver at sandcastle-maker ang anim na buwang pagpapasara ng gobyerno sa isla.
Sa petisyon na inihain nina Mark Anthony Zabal, Thiting Estoso Jacosalem at Odon Bandiola sa pamamagitan ng National Union of Peoples’ Lawyer- Panay, hiniling ng mga ito na magpalabas ang Supreme Court ng TRO, preliminary injuction o kaya ay Status Quo Ante Order para ipatigil ang implementasyon ng Boracay closure.
Respondent sa petisyon sina Pangulong Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea at DILG OIC Eduardo Año.
Sinabi ni Atty. Angelo Karlo Guillen ng NUPL-Panay na hindi kailangang isara ang Boracay habang isinasagawa ang rehabilitasyon para hindi rin maapektuhan ang kabuhayan ng mga manggagawa doon.
Ayon pa sa mga petitioners, kapag isinara ang Boracay sa mga turista ay mawawalan sila ng pagkakakitaan at magugutom ang kanilang pamilya.
Tinawag pa ng NUPL na sobrang oppressive o pahirap sa mga residente at empleyado sa Boracay ang pagpapasara sa isla at iginiit na dapat patas ito sa lahat.
Kahit pa anila wala pang pormal na executive order ay naabisuhan naman na ang lahat ukol sa pagpapasara sa tourist spot kaya pwede itong kwestyunin sa hukuman.
Ulat ni Moira Encina