Korte Suprema, ibinasura ang apela ni dating CJ Ma. Lourdes Sereno laban sa quo warranto ruling
Pinal na ang desisyon ng Korte Suprema na tanggalin sa pwesto si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay matapos ibasura ng Supreme Court sa boto ng 8-6 ang inihaing motion for reconsideration ni Sereno laban sa May 11 ruling nito na pumabor sa quo warranto petition.
Sa resolusyon na isinulat ni Justice Noel Tijam, pinagtibay ang nauna nitong desisyon na patalsikin si Sereno at pinal nang ibinasura ang apela nito dahil sa kawalan ng merito.
Ayon sa Supreme Court, walong bagong argumento si Sereno sa apela nito para mabaligtad ang naunang desisyon.
Pawang natalakay na anila ang mga argumento ni Sereno sa MR nito sa May 11 ruling ng Korte Suprema.
Ang walong mahistrado na bumoto para ibasura ang apela ay ang parehong justices na bumoto para mapaalis si Sereno sa Korte Suprema.
Ang mga ito ay sina Tijam, Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martires, Andres Reyes at Alexander Gesmundo.
Kaugnay nito, inihayag ng Supreme Court na wala na itong tatanggapin na anomang pleadings kaugnay sa kaso.
Iniutos din ng SC ang agarang entry of judgment sa kaso.
Sa desisyon ng SC noong May 11, sinabi na dapat mapaalis si Sereno bilang Chief Justice dahil sa kawalan ng integridad matapos na mabigong maghain ng kanyang SALN nang ito ay UP Law professor pa na paglabag sa Saligang Batas.
Si Sereno ang kauna-unahang Punong Mahistrado ng bansa na napalayas sa pamamagitan ng quo warranto.
Ulat ni Moira Encina