Korte Suprema ibinasura ang hirit na atasan ang gobyerno na magsagawa ng Covid 19 mass testing
Hindi pinagbigyan ng Supreme Court ang petisyon na humihiling na atasan ang gobyerno na magsagawa ng Covid-19 mass testing.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, ibinasura ang petisyon ng grupo ni dating Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo dahil bigo ang mga ito na mapatunayan na entitled sila sa pagiisyu ng writ of mandamus.
Iginiit ng Korte Suprema na walang otoridad ang mga hukuman na magpalabas ng writ of mandamus kahit pa gaano kalala ang sitwasyon nang walang patunay na nabigo ang opisyal mula sa ehekutibo na gampanan ang tungkulin nito.
Paliwanag ng SC, ang trabaho ng hukuman ay sabihin kung ano ang batas at hindi ang diktahan ang ibang sangay ng pamahalaan kung paano gawin ang gampanin nito.
Sinabi pa ng SC na nabigo rin ang mga petitioners na maipakita na na-exhaust na nila ang mga administrative remedies.
Ipinunto ng Kataas-taasang Hukuman na mayroong plain at speedy na remedyo sa nais ng mga petitioners.
Sa petisyon ng Citizens Urgent Response to End COVID-19, hiniling nila atasan ang pamahalaan na magkaroon ng libreng Covid testing sa mga suspect cases, close contacts frontliners, health care workers at mga high risk at vulnerable communities.
Hiniling din ng grupo na atasan ang pamahalaan na paigtingin ang contact tracing at palakasin ang laboratory testing capacity.
Inihirit din nila ang timely at accurate na datos sa Covid situation sa bansa.
Giit nila obligasyon ng gobyerno na protektahan ang karapatan ng mamamayan sa kalusugan.
Moira Encina