Korte Suprema ibinasura ang petisyon laban sa Anakbayan na isinampa ng mga magulang ng sinasabing nawawalang aktibista
Ibinasura ng Supreme Court ang Amparo at Habeas Corpus petition na inihain ng mga magulang ng sinasabing nawawalang aktibista laban sa grupong Anakbayan.
Sa desisyon na isinulat ni Chief Justice Diosdado Peralta, sinabi na hindi akma o proper ang hirit na writ of amparo nina Francis at Relissa Lucena na magulang ng 19-anyos na si Alicia Jasper Lucena.
Ayon pa sa SC, walang merito ang hiling ng mag-asawa na maglabas ng writ of habeas corpus ang Korte Suprema.
Paliwanag ng Supreme Court, ang writ of amparo ay para sa mga kaso ng extralegal killings o enforced disappearances.
Pero, ang sitwasyon ni Alicia Jasper ay hindi pasok sa actual o threatened enforced disappearance o extralegal killing.
Ipinunto sa desisyon na hindi nawawala si Alicia Jasper dahil batid ang kinaroroonan nito at nanunuluyan sa Anakbayan at mga opisyal nito.
Sa isyu naman ng Writ of Habeas Corpus, inihayag ng SC na ito ay aplikable sa mga kaso ng illegal confinement o detention.
Sinabi ng SC na lumalabas na hindi sinasagkaan ang kalayaan ni Alicia Jasper o kaya ay hinahadlangan ang mga petitioners para magkaroon ng kustodiya sa kanilang anak.
Nakasaad sa desisyon na bigo ang mga petitioners na mapatunayan na ikinukulong ng Anakbayan ang kanilang anak.
Sa kanilang petisyon, sinabi ng mag-asawang Lucena na na-brainwash ng militanteng grupo para sumali sa kanilang organisasyon ang kanilang anak na wala pang 18-anyos noon.
Ayon pa sa Korte Suprema, sa mata ng estado ay mayroon nang karapatan ang anak ng mga petitioners na gumawa ng sariling desisyon gaya ng kung saan nito nais manuluyan at kung sinu-sino ang gusto nitong makasama dahil sumapit na ito sa edad na 18 taong gulang.
–Moira Encina