Korte Suprema ibinasura ang petisyon ng tinaguriang ‘Ilocos 6’ at ni Gov Imee Marcos laban sa contempt at detention order ng Kamara
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng binansagang ‘Ilocos 6’ at ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos laban sa contempt order at pagditene sa Kamara ng anim na opisyal.
Ang kaso ay kaugnay sa imbestigasyon ng mababang kapulungan sa tobaco excise fund kung saan iniutos ng mga kongresista na ikulong ang anim na empleyado ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte matapos hindi magustuhan ang mga sagot ukol sa biniling sasakyan na pinaggamitan ng nasabing pondo.
Sa en banc session ng Supreme Court, pinagtibay at kinilala ang kapangyarihan ng Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation na nakasaad sa Saligang Batas.
Isinaalang-alang din ng Korte Suprema ang separation of powers ng lehislatura at hudikatura.
Idineklara naman ng SC na moot and academic na ang habeas corpus petition na inihain ng Ilocos six na iniakyat mula sa Court of Appeals dahil napalaya na ang mga ito.
Ukol naman sa kapangyarihan ng Kongreso na patawan ng contempt ang mga mahistrado ng Court of Appeals na pinadadalo ng Kamara sa pagdinig, iginiit ng Korte Suprema na nananatili pa rin sa kanila ang administrative supervision sa mga myembro ng Hudikatura.
Ulat ni Moira Encina