Korte Suprema inaprubahan ang guidelines sa pagpataw ng parusang community service para sa mga minor offense
Inanunsyo ng Korte Suprema na simula sa Nobyembre 2 ngayong taon pwede nang ipataw ng mga trial courts ang parusang community service para sa mga minor offense o magagaan na kaso.
Ito ay matapos pagtibayin ng Supreme Court ang guidelines sa community service penalty imposition.
Layunin nito na maiwasan ang pagsisiksikan sa mga kulungan dahil sa halip na parusang kulong ay maaari nang patawan ang akusado sa minor offense ng parusang community service.
Alinsunod ito sa RA 13362 o Community Service Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Agosto 2019 na nag-ootorisa sa mga hukuman na obligahin na lang na mag-community service ang nagkasala sa halip na ikulong ito.
Sa ilalim ng panuntunan ng Supreme Court, dapat ipabatid ng mga hukom sa akusado sa open court na may opsyon ito na mag-community service sa lugar kung saan nito ginawa ang krimen.
Dapat ding ipaliwanag ng huwes sa akusado na hindi ito papayagan makapag-apply sa communiry service o probation kung iaapela nito ang hatol na guilty sa kanya.
Sa oras na matanggap ng korte ang aplikasyon sa community service ay dapat agad na abisuhan nito ang barangay chairperson or otorisadong kinatawan ng barangay kung saan ginawa ang krimen; representative mula sa provincial or city Probation Office; at Social Welfare Development Officer ng LGU.
Dapat namang resolbahin agad ng hukuman ang aplikasyon pagkatapos itong dinggin.
Ilan sa mga dapat ikonsidera ng hukom sa pagpayag sa community service ay ang bigat o gravity ng kasalanan, sirkumstansya ng kaso, kapakanan ng lipunan, at ang posibilidad na hindi lalabag sa batas ang akusado habang pinagsisilbihan ang parusa.
Moira Encina