Korte Suprema inaprubahan ang panuntunan sa pagwasak at pagtapon ng mga nakumpiskang iligal na droga
Pinagtibay ng Supreme Court ang panuntunan sa pagwasak at pagtapon ng iligal na droga na nakumpiska ng mga awtoridad sa mga operasyon.
Ayon sa Korte Suprema, magkakabisa ang nasabing rule sa Marso 16 matapos na mailathala.
Sa ilalim ng panuntunan, dapat kaagad na maghain ng aplikasyon para sa destruction at disposal ng seized illegal drugs ang mga law enforcers o piskal sa korte na nag-isyu ng search warrant pagkatapos na ito ay makumpiska.
Kung ang pagkumpiska ay ginawa nang walang warrant, ang aplikasyon para sa destruction at disposal ay dapat na ihain sa korte na may territorial jurisdiction sa kaso at sa lugar kung saan nakita at nasabat ang droga.
Sa parehong pagkakataon, dapat din ay sundin ang Section 21 ng Comprehensive Dangerous Drugs law ukol sa proper documentation, physical inventory, at pagkuha ng larawan ng mga nakumpiskang illegal drugs.
Nakasaad pa sa rule na dapat magsagawa ang judge ng ocular inspection sa mga seized drugs sa loob ng 72 oras mula nang ihain ang aplikasyon kung ang droga ay may bigat na isang kilo o higit pa, o kaya ay hindi maaaring dalhin pisikal sa korte ang mga seized instruments at equipment.
Sa loob ng 24 oras mula nang isagawa ang ocular inspection, dapat iutos ng korte ang retention ng representative sample ng droga na itatago sa forensic laboratory ng operating unit na nakasabat dito, at may mga testigo sa pagsasagawa nito.
Kailangan din na sa loob ng 24 oras mula nang idaos ang ocular inspection ay ipag-utos ng hukuman ang pagwasak at pagtapon ng mga nasabat na droga, instrument at equipment, at may kapareho ring testigo.
Bago wasakin ang droga, dapat na ipadala ang mga seized drugs sa Drug Forensic Center ng PDEA.
Sa pamamagitan ng mosyon, maaari namang payagan ng korte ang tama at ligal na paggamit ng mga droga kapag hindi na kailangan bilang ebidensya para sa training ng K9 detector dogs.
Moira Encina