Korte Suprema, inilabas na ang mga isyung tatalakayin sa Oral Arguments sa kaso ng pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court
Inilabas na ng Korte Suprema ang mga isyung tatalakayin sa oral arguments kaugnay sa mga petisyon laban sa pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute of the International Criminal Court.
Sa apat na pahinang advisory ng Supreme Court en banc, ilan sa mga substantive issues na tatalakayin ay kung maituturing bang valid, binding at may bisa ang pagkalas ng Pilipinas mula sa ICC sa pamamagitan ng Note-Verbale na ipinadala sa Secretary General ng United Nations.
Gayundin kung nakatugon ba ang Pilipinas sa lahat ng mga rekisito sa pagkalas mula sa ICC at kung may kapangyarihan ba ang Ehekutibo na gawin ang “unilateral” na pagkalas mula sa tratado.
Nais din ng Korte Suprema na ipaliwanag ng mga petitioners at respondent kung sapat at makatwiran ba ang batayan sa ICC withdrawal.
Pinapatalakay din kung ang desisyon ba ng Ehekutibo na kumalas mula sa Rome Statute ay lumabag sa prerogative ng lehislatura at kung kailangan ito ng pagsang-ayon ng two-thirds ng Senado.
Gaganapin ang oral argument sa August 14 ng alas dos ng hapon.
Binigyan ng tig-20 minuto ang mga petitioners at respondent para maglahad ng argumento.
Susundan naman ito ng interpelasyon o pagtatanong ng mga mahistrado ng Supreme Court.
Ang kaso ay nag-ugat sa inihaing petisyon ng mga opposition senators at ng
Philippine Coalition for the International Criminal Court.
Ilan sa mga respondents ay sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ulat ni Moira Encina