Korte Suprema inilatag ang mga isyung tatalakayin sa oral arguments kaugnay sa petisyon laban sa ikatlong pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao
Inilatag na ng Korte Suprema ang mga isyung tatalakayin sa oral arguments sa petisyon na kumukwestyon sa ligalidad ng ikatlong extension ng Batas Militar sa Mindanao.
Sa apat na pahinang abiso ng Supreme Court en banc, kabilang sa mga isyung pinapasagot sa mga respondents at petitioner ay kung may sapat na factual basis para palawigin ang Martial Law.
Partikular na rito kung mayroon pa ring rebelyon sa rehiyon at kung kailangan ng Batas Militar para sa kaligtasan ng publiko.
Pinapatalakay din kung nililimita ba ng Saligang Batas ang haba at bilang ng extension ng Martial Law at kung maari itong bawiin ng Kongreso kung may nakita itong grave abuse of discretion.
Itinakda ng Supreme Court ang oral arguments sa Enero 22 at 23 sa ganap na alas dos ng hapon.
Una sa maglalatag ng argumento at sasalang sa interpelasyon ang Office of the Solicitor General na tumatayong abogado ng pamahalaan at susundan ng petitioners na grupo ng mga opposition congressmen.
Inatasan ng Korte Suprema ang mga respondents at petitioners na isumite ang kanilang written opening statements hanggang sa Enero 18.
Binigyan naman ng SC hanggang Enero 21 ang lahat ng partido para isumite ang mga written copies ng anomang dokumento na ipiprisinta sa oral arguments at lahat ng slide presentations kung mayroon.
Ulat ni Moira Encina