Korte Suprema, inilunsad ang Supreme Court mobile app
Pormal nang inilunsad ng Korte Suprema ang sarili nitong mobile application para sa mga smartphones at tablets.
Mayroong apat na feature ang Supreme Court app.
Ito ay ang Judiciary Memorabilia Hall, Court Locator, Lawyers’ List at SC Directory.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Chief Justice Lucas Bersamin na umaasa sila na makakatulong ang SC app para mas maging accessible sa publiko ang mga impormasyon ukol sa Hudikatura.
Inihayag naman ni Court Administrator Jose Midas Marquez na partikular na malaking tulong sa kanilang mga opisyal ng hukuman at mga abogado ay ang Court Locator para matunton ang kinaroroonan ng mga korte.
Ayon pa kay Supreme Court Public Information Office Chief Atty Brian Keith Hosaka, pwede ring gamitin ang Court Locator para alamin o kumpirmahin kung sino ang presiding judge ng isang korte at ang contact number ng hukuman.
Mababasa naman ng app user ang kasaysayan ng Supreme Court kabilang na ang mga naging chief justice at mga mahistrado sa Judiciary Memorabilia Hall feature.
Layon din nito na mahikayat ang publiko para bisitahin ang mismong Memorabilia Hall sa Korte Suprema.
Sa ngayon maaari pa lang i-download ang Supreme Court app sa Google Play para sa mga Android mobile devices.
Ulat ni Moira Encina