Korte Suprema iniutos ang muling pag-aresto kay dating Palawan Governor Joel Reyes.
Ipinaaaresto ng Korte Suprema si dating Palawan Governor Mario Joel Reyes kaugnay sa pagpaslang sa brodkaster na si Dr. Gerry Ortega noong 2011.
Sa walong -pahinang resolusyon ng Supreme Court First Division, ibinasura nito ang petisyon ni Reyes na kumukuwestiyon ukol sa kasong murder laban sa kaniya.
Sinabi ng Korte Suprema na bigo si Reyes na patunayan na umabuso ang Puerto Princesa City Regional Trial Court Branch 52 nang ibasura ang kaniyang mga mosyon at iutos ang paglilitis sa kaso.
Ayon sa SC, walang grave abuse of discretion at umakto lang nang naaayon sa hurisdiksyon nito ang trial court.
Kaugnay nito, inatasan ng SC ang Puerto Princesa City RTC na agad na ipaarestong muli si Reyes at ituloy agad ang paglilitis sa kaso laban dito.
Una nang naaaresto si Reyes at ang kapwa akusado at ang kapatid nito na si dating Coron Mayor Mario Reyes noong 2015 sa Thailand.
Inapela sa Court of Appeals ng magkapatid ang kaso kung saan nakakakuha ito ng paborableng ruling at iniutos sa RTC na ibasura ang mga kaso sa mga ito.
Pero noong 2019 binaligtad ng CA ang desisyon nito at ipinagutos sa RTC na ituloy ang paglilitis sa kaso.
Moira Encina