Korte Suprema iniutos ang pisikal na pagsasara ng lahat ng mga hukuman sa NCR at mga lalawigan na inilagay sa GCQ hanggang March 26
Ilang oras matapos isinagawa ang retirement ceremony para kay Chief Justice Diosdado Peralta ay ipinag-utos ng Korte Suprema ang pisikal na pagsasara ng lahat ng mga hukuman sa NCR at apat na probinsya na isinailalim sa GCQ.
Nagsimula ang physical closure ng mga nasabing korte sa GCQ areas alas-2 ng hapon nitong Huwebes at magtatagal ng hanggang Biyernes, March 26.
Ang lockdown ng mga hukuman ay dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Sakop ng lockdown ang SC, Court of Appeals, Court of Tax Appeals, Sandiganbayan, at mga trial courts sa mga naturang lugar.
Suspendido sa nasabing panahon ang lahat ng mga pagdinig ng mga korte.
Maliban na lamang sa mga hearing sa mga urgent matters gaya ng mga petisyon, motions at pleadings na ukol sa bail at habeas corpus, promulgation of judgments or acquittals, relief para sa mga inaresto o ikinulong, at iba pang aksyon na may kaugnayan sa mga ihahain ukol sa health emergency.
Bagamat pisikal na sarado, pinatitiyak na bukas at accessible sa publiko ang mga korte sa pamamagitan ng kanilang official hotlines at email addresses para maaksyunan pa rin ang anumang concerns ng mga court users.
Noong umaga ay nagdaos ang Korte Suprema ng retirement ceremony para kay Peralta na opisyal na bababa sa pwesto sa Biyernes.
Moira Encina