SC, ipinag-utos ang pagpapalabas sa retirement benefits, allowances ni ex- Chief Justice Corona
Idineklara ng Korte Suprema na entitled o kwalipikado si dating Chief Justice Renato Corona na matanggap ang lahat ng retirement benefits at allowances nito.
Si Corona ay napatalsik sa puwesto noong May 2012 sa pamamagitan ng impeachment sa Senado dahil sa sinasabing hindi pagdedeklara ng kaniyang bank accounts sa Statements of Assets, Liabilities and Networth (SALN) nito.
Sa mahigit 20-pahinang ruling ng Korte Suprema, ipinag-utos na ilabas at ibigay sa byuda at benepisyaryo ng dating punong mahistrado na si Mrs. Ma. Cristina Corona ang lahat ng retirement benefits at allowances.
Iniutos din ng Supreme Court na ibigay kay Ginang Corona ang survivorship benefits na kadalasang tinatanggap ng pamilya ng Mahistrado matapos ang matagal na serbisyo sa Hudikatura.
Ayon sa Korte Suprema, pinagtibay nila ang apela ni Mrs. Corona dahil ang epekto ng hatol ng Impeachment complaint ay limitado lang sa pagpapatalsik sa puwesto at diskwalipikasyon sa paghawak ng posisyon sa Gobyerno alinsunod sa Saligang Batas.
Paliwanag pa ng SC ang isang Impeached Public officer na ang pananagutan ay hindi judicially established ay entitled sa Retirement Benefits.
Binigyang-diin pa ng Korte Suprema na ang SALN ay gamit para sa public transparency at hindi dapat maging sandata para sa political vendetta o politikal na paghihiganti.
Una nang inamin ni dating Senador Jinggoy Estrada na may alok na suhol mula sa Aquino government para i-convict si Corona na ang pondo ay sinasabing galing sa Disbursement Acceleration Program o DAP.
Inihayag din noon ni Corona na isinulong ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang kanyang impeachment matapos ang ruling ng Supreme Court na kanyang pinamumunuan sa Hacienda Luisita case na pag-aari ng pamilya ng dating Presidente kung saan iniutos na ibigay ang lupain sa mga magsasaka.
Moira Encina