Korte Suprema ipinawalang bisa ang pagpapaaresto ng Senado sa Pharmally officials
Nakitaan ng grave abuse of discretion ng Korte Suprema ang pagpataw ng contempt at pagpapaaresto ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals Corporation.
Sa mahigit 50 pahinang desisiyon ng Supreme Court, sinabi na nalabag ang right to due process ng mga petitioner na si Pharmally Executive Linconn Ong at dating Presidential Economic Adviser Michael Yang nang iutos ng Senado ang pag-aresto sa mga ito.
Una nang pinatawan ng contempt at ipinakulong si Ong dahil sa sinasabing pagtanggi na sagutin ang mga katanungan sa mga sinasabing anomalya sa pagbili ng COVID-19 supplies.
Habang ang contempt at arrest order kay Yang ay bunsod na pagtanggi nito na ilahad sa komite ang kaniyang mga negosyo at ari-arian.
Kinuwestiyon naman ng dalawa ang arrest at contempt order laban sa kanila sa Supreme Court.
Ayon pa sa Supreme Court, walang factual basis ang binanggit sa contempt orders na nagsisinungaling at umiiwas ang mga petitioner na sumagot.
Dahil dito, ipinawalang-bisa ang pagpapakulong sa mga petitioner.
Una nang pinalaya si Ong at iba pang opisyal ng Pharmally na nakulong sa Senado at Pasay City Jail noong Hunyo ng nakaraang taon.
Moira Encina