Korte Suprema ipinawalang-sala sa libelo ang brodkaster na si Raffy Tulfo
Binaligtad ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals na nagpapatibay sa hatol na guilty sa kasong libelo laban sa brodkaster na si Raffy Tulfo.
Sa ruling ng Supreme Court Third Division, pinaboran nito ang petisyon ni Tulfo at inabswelto ito sa libelo.
Ang kaso laban kay Tulfo ay inihain ni Atty. Carlos T. So ng Bureau of Customs dahil sa serye ng artikulo na isinulat ng mamamahayag noong 1999 sa kanyang kolumn sa isang pahayagan.
Sa nasabing mga artikulo, inihayag ni Tulfo ang sinasabing mga iligal na aktibidad na kinasasangkutan ni So.
Ayon sa SC, saklaw ng freedom of expression at press ang mga isinulat ni Tulfo dahil ang mga alegasyon ay patungkol sa mga opisyal na gampanin ni So sa BOC.
Sinabi pa ng SC na nabigo rin ang prosekusyon na patunayan na may malisya sa panig ni Tulfo.
Kung babasahin anila ang mga artikulo ni Tulfo ay mababatid na ito ay isinulat para mawakasan ang sinasabing mga pag-abuso ng abogado sa posisyon nito sa BOC.
Nakasaad pa sa desisyon na ang mga libel laws ng bansa ay hindi dapat gamitin para pigilan ang mga komento sa mga gawain ng mga opisyal ng gobyerno.
Ipinunto pa ng Korte Suprema na dapat hikayatin ang mga pahayag na nagbabantay laban sa mga pag-abuso ng mga nasa posisyon sa pamahalaan.
Bagamat ipinawalang-sala si Tulfo, pinaalalahanan ng Korte Suprema ang media practitioners sa pamantayan na inaasahan sa kanila sa ilalim ng code of ethics ng mamamahayag.
Binigyang-diin ng SC na ang press freedom sa Saligang Batas ay hindi puwedeng gawing pananggalang para sa malisyosong pagpapakalat ng mga maling impormasyon para manira ng reputasyon.
Moira Encina