Korte Suprema kinatigan ang hatol na guilty ng Court of Appeals sa kasong libelo laban sa isang blogger
Pinagtibay ng Supreme Court Second Division ang desisyon ng Court of Appeals na nagsasabing guilty sa kasong libelo ang Ilonggo blogger na si Manuel “Boy” Mejorada.
Si Mejorada ay dating provincial administrator ng Iloilo na nag-akusa sa social media posts nito na may iregularidad ang isang proyektong imprastaktura ni Senador Franklin Drilon.
Sa dalawang pahinang notice of resolution, sinabi ng Korte Suprema na nabigo si Mejorada na patunayan na may reversible error sa desisyon ng CA na katigan ang ruling ng Pasay RTC na guilty beyond reasonable doubt sa apat na counts ng libel ang blogger.
Kumbinsido ang Supreme Court na napatunayan ng prosekusyon ang mga elemento ng libelo sa kaso ni Mejorada.
Kinatigan din ng Korte Suprema ang parusang pagkakulong na ipinataw ng hukuman laban kay Mejorada.
Ayon sa SC, bagamat mayroon itong administrative circular na nagsasabing mas nais nito na multa na lamang ang ipataw na parusa sa halip na imprisonment sa mga kaso ng libelo ay hindi naman iniaalis ng Korte Suprema ang discretion sa mga trial court na magpataw ng pagkabilanggo.
Ito ay kung sa tingin ng trial court ay hindi sasapat ang parusang multa para matamo ang substantial justice.
Si Mejorada ay pinatawan ng mababang korte na mabilanggo ng hanggang apat na taon at dalawang buwan sa bawat counts ng kasong libelo.
Ulat ni Moira Encina