Korte Suprema kinatigan ang pagkahalal ng Agoo, La Union mayor
Pinagtibay ng Supreme Court ang eleksyon ni Agoo, La Union Mayor Frank Ong Sibuma sa halalan noong May 9, 2022
Sa desisyon ng Korte Suprema, ipinawalang-bisa nito ang ilang resolusyon na inisyu ng Comelec Second Division.
Kabilang sa mga ito ang resolusyon ng poll body na nagkakansela sa inihaing certificate of candidacy (CoC) ni Sibuma at ang writ of execution na nagpapawalang-bisa sa proklamasyon ng alkalde.
Ang kaso ay nag-ugat sa petisyon na inihain sa Comelec dahil sa umano’y false material representation o pagsisinungaling ni Sibuma ukol sa residency o bayan kung saan ito naninirahan sa kaniyang CoC.
Sinabi ng SC na nakagawa ng grave abuse of discretion ang Comelec Second Division nang kanselahin ang CoC ni Sibuma.
Tinawag din ng SC na “grossly unreasonable” ang appreciation at evaluation ng poll body sa ebidensya ng residency issue ni Sibuma.
Ipinunto pa ng Korte Suprema na bigo ang Second Division ng poll body na resolbahin ang petisyon laban kay Sibuma bago ang eleksyon noong Mayo kaya nasa balota pa ang pangalan nito.
Paliwanag pa ng SC, ang anumang duda sa residency qualification ni Sibuma ay naresolba na nang ito ang makakuha ng pinakamaraming boto na 21,364 kumpara sa katunggali nito na 16,603 boto.
Moira Encina