Korte Suprema kinatigan ang plebisito na nagsama sa Cotabato City sa BARMM
Pinagtibay ng Supreme Court ang pagkakasama ng Cotabato City sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Sa desisyon ng Korte Suprema, ibinasura nito ang petisyon na kumukuwestiyon sa plebisito na isinagawa noong Enero 21, 2019 para madetermina kung dapat na ibilang ang Cotabato City sa BARMM.
Batay sa Certificate of Canvass of Votes, 38,682 indibiduwal ang bumoto pabor para mapasama ang Cotabato City habang 24,994 ang kontra.
Ayon sa SC, sinunod ng Commission on Elections (Comelec) ang requirements ng Bangsamoro Organic Law sa pagdaraos ng plebisito.
Sinabi pa ng Korte Suprema na hindi nito panghihimasukan ang mandato ng poll body kung wala itong grave abuse of discretion.
Paliwanag pa ng SC, bigo ang petitioners na patunayan ang alegasyon nila ng pandaraya sa pagsasagawa ng plebisito.
Bukod sa pagdaraos ng plebisito, kinuwestiyon din ng petitioners ang pagkakabilang ng Cotabato City sa BARMM at pagratipika sa Organic Law.
Unanimous ang boto ng mga mahistrado ng Korte Suprema pabor sa plebisito at sa pagkakasama ng Cotabato City sa BARMM.
Moira Encina