Korte Suprema lumagda sa kontrata para sa konstruksyon ng Court of Appeals Building sa Cagayan de Oro City
Magkakaroon na ng sariling gusali ang Court of Appeals sa Cagayan de Oro city.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, itatayo ang multi-storey building sa anim na ektaryang lote sa Indahag, Cagayan de Oro city, Misamis Oriental bilang parte ng planong CDO Judicial complex.
Mula nang maitatag noong 2004, nagrerenta lamang ang CA- CDO station sa YMCA building sa Julio Pacana, CDO city.
Kaugnay nito, lumagda na ang Supreme Court sa dalawang kontrata para sa consultancy services para sa Architectural at Engineering designs at project Management para sa CA- CDO station building.
Kabilang sa mga lumagda si Chief Justice Lucas Bersamin, CA -CDO station Executive Edgardo Camello at CA presiding Justice Romeo Barza.
Ayon kay Bersamin, isang mahalagang yugto ito para mabigyan ng permanenteng tahanan ang CA-CDO na karapat-dapat lang bilang ikalawa sa pinakamataas na hukuman sa bansa at pinagmumulan ng mga future na mahistrado ng Supreme Court.
Ulat ni Moira Encina