Korte Suprema magsasagawa ng oral arguments kaugnay sa petisyon ng mga opposition senators laban sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC

Isasalang sa oral arguments ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng anim na opposition senators laban sa pagkalas ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court o ICC.

Itinakda ng Supreme Court ang oral arguments sa July 24 sa ganap na alas-dos ng hapon sa SC Session Hall.

Binigyan din ng Korte Suprema ng 10 araw ang mga respondent na sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Executive Secretary Salvador Medialdea, Philippine Permanent Representative to the United Nations Teodoro Locsin at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo para maghain ng komento sa petisyon.

Ang petisyon ay inihain nina Senador Francis Pangilinan, Franklin Drilon, Bam Aquino, Leila de Lima, Risa Hontiveros at Antonio Trillanes IV.

Nais nila na ideklara ng Korte Suprema na walang bisa ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute of the International Criminal Court.

Katwiran ng mga taga-oposisyon, isang tratado ang Rome Statute na nagtatag sa ICC na dumaan sa ratipikasyon ng Kongreso kaya maituturing ito na batas na ipinasa ng lehislatura.

Kaya para ito magkabisa ay kailangan anila ng pag-sang-ayon ng two-thirds na miyembro ng Senado ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC.

Ulat ni Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *