Korte Suprema makikipag-ugnayan sa PDEA kaugnay sa mga hukom na dawit sa iligal na droga
Makikipag-ugnayan ang Korte Suprema sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA kaugnay sa listahan ng mga hukom na sinasabing dawit sa iligal na droga.
Ito ay sa harap ng mga balita na may mga judges na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.
Ayon kay Supreme Court Public Information Chief Atty. Brian Keith Hosaka, inatasan ng Supreme Court en banc si Associate Justice Diosdado Peralta na direktang makipagusap sa PDEA para sa listahan ng sinasabing ‘narco judges.’
Magbibigay daan anya ito para sa pormal na fact-finding at administrative investigation ng Korte Suprema sa isyu.
Tiniyak ng Supreme Court na gaya sa mga nakaraan ay hindi nito pamamarisan at kukunsintihin ang anumang iligal at tiwaling aktibidad sa hanay ng hudikatura.
Ulat ni Moira Encina