Korte Suprema muling iniutos sa JBC na buksan na ang aplikasyon at nominasyon para sa posisyon ng Punong Mahistrado
Inilabas na ng Korte Suprema ang resolusyon nito na pinal na pinagtitibay ang desisyon nito na patalsikin si Maria Lourdes Sereno bilang Punong Mahistrado.
Sa 29 na pahinang resolusyon na isinulat ni Justice Noel Tijam, muling iniutos ng Supreme Court sa Judicial and Bar Council na buksan kaagad ang nominasyon at aplikasyon para sa susunod na Chief Justice.
Binigyang-diin ng Korte Suprema sa kautusan nito na hindi dapat maantala ang pagsisimula ng proseso ng aplikasyon at nominasyon.
Sa ilalim ng Saligang Batas, mayroong 90 araw ang Pangulo para makapili ng bagong Punong Mahistrado magmula nang mabakante ang pwesto.
Nagsimula ang 90 araw nitong Martes, June 19 kung kailan ang promulgasyon ng desisyon sa Sereno Quo Warranto case.
Ulat ni Moira Encina