Korte Suprema muling ipinagpaliban ang oral arguments sa petisyon laban sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC
Muling ipinagpaliban ng Korte Suprema ang oral arguments sa mga petisyon na humihiling na ipawalang-bisa ang pagkalas ng gobyerno ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court.
Nakatakda sana bukas, August 14 ang oral arguments pero ito ay inilipat ng Supreme Court sa August 28.
Ito na ang ikatlong beses na ipinagpaliban ang ICC oral arguments.
Bago August 28, una itinakda ang oral arguments noong July 24 pero inilipat sa August 7 at pagkatapos ay August 14.
Ayon sa Supreme Court Public Information, ipinabatid na ng Korte Suprema sa lahat ng partido sa kaso ang pagbabago ng schedule ng oral arguments.
Ipapalabas naman bukas ang resolusyon ng Supreme Court en banc ukol sa pagpapaliban ng oral arguments.
Una rito ay hiniling ng anim na opposition senators na i-postpone ang oral arguments sa kanilang petisyon matapos ibasura ng Korte Suprema ang mosyon ng nakakulong na si Senadoe Leila de Lima na makadalo ito sa pagdinig.
Balak ng mga senador na maghain ng apela laban sa desisyon ng SC a na hindi payagan si De Lima na humarap sa oral arguments.
Katwiran ng Korte Suprema, wala silang nakitang matinding pangangailangan para personal na dumalo si De Lima sa oral arguments.
Ulat ni Moira Encina