Korte Suprema, naglabas ng panuntunan para sa Media coverage ng Oral Arguments sa mga petisyon kontra Anti Terror Law
Inilabas ng Supreme Court ang ilang media guidelines para mapanatiling maayos at nasusunod ang COVID-19 health protocols sa coverage ng Oral Arguments sa mga petisyon laban sa Anti-Terrorism law.
Isasagawa ang Oral Arguments sa Enero 19 sa ganap na alas-2:00 ng hapon.
Sa dalawang-pahinang guidelines, sinabi na obligadong magprisinta ng negatibong resulta ng COVID RT-PCR test na kinuha sa loob ng 72 oras ang mga hindi empleyado ng Korte Suprema para makapasok sa loob ng Supreme Court premises.
Kailangan din nila na magsuot ng akmang face mask gaya ng surgical facemask, N95, KN95, at clear, non-tinted face shield.
Tanging sa itinalagang viewing area sa SC Lobby pwedeng manatili ang mga miyembro ng media.
Hindi rin pinapayagan ang pagkuha ng litrato o video sa loob ng En Banc Session Hall kung saan gaganapin ang oral arguments.
Bawal din ang media interviews sa lobby at session hall para maiwasan ang pagkukumpulan at mga paglabag sa health protocols.
Hindi rin pwedeng i-live stream ang footages ng live feed ng pagdinig pero maaaring gamitin ang recordings sa mga balita pagkatapos.
Maari namang mapakinggan ang live audio streaming ng Oral Arguments sa YouTube channel ng Supreme Court Public Information Office.
Ayon sa Korte Suprema, ang mga hindi susunod sa mga nasabing panuntunan ay hindi papasukin o kaya ay basehan para sila ay palabasin.
Moira Encina