Korte Suprema, nagpasalamat sa Kongreso sa pagsusulong ng panukalang batas na lilikha ng Marshal service para protektahan ang mga miyembro ng Hudikatura
Pinuri at pinasalamatan ng Korte Suprema ang Kongreso sa agarang pagsusulong ng panukalang batas na lilikha sa Philippine Marshals service para protektahan ang mga miyembro ng Hudikatura.
Ayon kay Court Administrator Jose Midas Marquez, napapanahon na para magkaroon marshals ang mga hukom.
Kailangan aniya talaga na may hiwalay na ahensya na ang tanging layunin ay protektahan at idipensa ang mga Mahistrado at Huwes at ang mga court premises.
Sinabi naman ni Supreme Court spokesman Brian Keith Hosaka na mahalagang unang hakbang ang panukala para mabuo ang Judiciary Marshall service na una nang isinulong ni Chief Justice Diosdado Peralta.
Umaasa aniya ang Supreme Court na makakakuha ng sapat na suporta ang panukala hanggang sa ganap itong maging batas sa lalong madaling panahon.
Ipinunto ng Korte Suprema na kapag binigyang seguridad ang mga hukom ay prinoprotektahan din ang Rule of Law.
Alinsunod sa House Bill 5403 ni Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel, ang marshal service ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Korte Suprema.
Magsisilbing silang peace officers na may kapangyarihan na magsagawa ng mga pag-aresto, search and seizure at imbestigasyon sa mga krimen laban sa mga miyembro ng hudikatura.
Ulat ni Moira Encina