Korte Suprema nagpatupad muli ng reorganisasyon sa tatlo nitong dibisyon
Nagkaroon muli ng reorganisasyon sa tatlong dibisyon ng Korte Suprema.
Ito ay matapos makumpleto ang 15 mahistrado ng Supreme Court nang maitalaga si bagong Associate Justice Henri Jean Paul Inting.
Batay sa Special Order Number 2673 na may lagda ni Chief Justice Lucas Bersamin, si Inting ay magiging miyembro ng SC Third Division na pinamumunuan ni Justice Diosdado Peralta.
Magiging kasama ni Inting bilang miyembro sina Justices Marvic Leonen, Andres Reyes Jr, at Ramon Paul Hernando.
Si Bersamin pa rin ang chairperson ng First Division at miyembro sina Mariano del Castillo, Francis Jardeleza, Alexander Gesmundo at Rosmari Carandang.
Si Senior Associate Justice Antonio Carpio naman ang chair ng Second Division at miyembro sina Estela Perlas- Bernabe, Alfredo Benjamin Caguioa, Jose Reyes Jr at Amy Lazaro-Javier.
Ulat ni Moira Encina