Korte Suprema, nagpatupad ng reorganisasyon sa tatlong dibisyon nito dahil sa nakatakdang pagreretiro ng isang mahistrado sa Enero
Nagpatupad muli ng reorganisasyon ang Korte Suprema sa mga dibisyon nito dahil sa pagreretiro ng isa sa mga mahistrado nito sa Enero.
Sa inilabas na Special Orders, si Justice Ramon Paul Hernando na regular member ng Supreme Court Third division ay itinalaga munang additonal member ng Second division.
Habang si Justice Rosmari Carandang naman na regular member ng SC First Division ay itinalagang additional member ng Third division.
Magiging epektibo ito sa sa Enero 5, 2019 na araw ng pagreretiro ni Justice Noel Tijam.
Bukod sa mababakante ng Justice Tijam, may isa pang puwesto ang kailangang punan bilang associate justice kasunod ng pagkakahirang ni Chief Justice Lucas Bersamin.
Nasa holiday break ang mga mahistrado sa pagsasagawa ng sesyon at magbabalik regular session na ang mga ito sa Enero 8, 2019.
Ulat ni Moira Encina