Korte Suprema, nagtakda ng sesyon para talakayin ang mga kaso ng pagpatay at pagbabanta sa mga hukom at abogado
Mariing kinondena ng Korte Suprema ang mga kaso ng pagpaslang at pagbabanta sa mga abogado at hukom sa bansa.
Sa statement ng Supreme Court na binasa ni SC Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka, sinabi ng mga mahistrado na “assault” sa hudikatura ang bawat pagbabanta sa mga judge at abogado.
Sinabi na ang pag-atake sa hudikatura ay katumbas ng pagyanig sa pundasyon kung saan nakatatag ang rule of law.
Iginiit ng Supreme Court na hindi dapat payagan ang mga ganitong pangyayari sa isang sibilisadong lipunan.
Kaugnay nito, inihayag ng Korte Suprema ang ilan sa mga aksyon nito para matugunan ang mga insidente ng pamamaslang at pagbabanta sa mga nasa legal profession.
Isa na rito ang deliberasyon para sa promulgasyon ng mga panuntunan para sa paggamit ng body camera sa pagsisilbi ng search at arrest warrants
Hiniling na din ng SC sa mga lower courts at ibat ibang law enforcement agencies na bigyan sila ng impormasyon kaugnay sa bilang at kaso ng pagbabanta at pagpatay sa mga abogado sa nakalipas na sampung taon
Hinimok din ng Korte Suprema ang publiko at mga public interest group, lawyers, at judges na pagkalooban sila ng vetted information ukol sa mga nasabing insidente hanggang Abril.
Ang SC PIO ang inatasan ng mga mahistrado na kumolekta ng mga nasabing impormasyon at report upang kanilang talakayin sa kanilang sesyon sa huling linggo ng Abril.
Ayon sa SC, ang mga susunod nilang hakbang ay ibabatay sa makakalap na impormasyon kabilang na ang pag-amyenda sa mga relevant rules at kung kinakailangan ay ang paglikha ng mga bagong panuntunan.
Ipinagutos na rin ng SC sa Office of the Court Administrator na makipagugnayan sa mga law enforcement agencies para imbestigahan ang red-tagging sa isang hukom ng Mandaluyong RTC.