Korte Suprema, pinagtibay ang 7-years full term ng Ombudsman
Pinagtibay ng Korte Suprema ang constitutionality ng pitong taon na full term ng mahihirang na Ombudsman.
Ito ay matapos ibasura ng Supreme Court ang mga petisyon na inihain nina Atty Rey Nathaniel Ifurung at dating MRT General Manager Al Vitangcol na ideklarang bakante ang posisyon ng Ombudsman at Deputy Ombudsman.
Sa unanimous vote na 14-0, sinabi ng Korte Suprema na sa ilalim ng Saligang Batas at ng Ombudsman Law, ang maitatalagang Ombudsman ay pinagkakalooban ng full term o pitong taon nang walang reappointment.
Hindi lamang bubunuin ng kapalit nito sa pwesto ang unexpired o hindi napagsilbihang panahon ng pinalitan niya sa pwesto.
Sa petisyon nina Ifurung at Vitangcol, kinuwestyon nila ang constitutionality ng Section 8 paragraph 3 ng Ombudsman Act of 1989 na nagsasaad na sakaling mabakante ang posisyon ng Ombudsman sa kadahilanang ito ay nagbitiw o namatay, ang mahihirang na kapalit niya sa pwesto ay magsisilbi nang full term o pitong taon.
Ipinunto ng mga petitioners ang Article XI, Section 11 ng 1987 Constitution na ukol sa termino ng Ombudsman ay dapat na basahin nang akma sa itinatakda ng Section 1, Article IX na tumutukoy naman sa panunungkulan ng mga pinuno ng Commission on Audit, Commission on Elections at Civil Service Commission.
Alinsunod dito, sakaling mabakante ang pwesto ng mga pinuno sa tatlong Constitutional Commission, bubunuin lamang ng magiging kapalit ang unexpired term ng sinundan niya sa pwesto.