Korte Suprema pinagtibay ang findings of probable cause laban kay dating Sen Jinggoy Estrada kaugnay sa pork barrel scam case laban dito
Wala nang balakid sa pag-usad ng paglilitis ng Sandiganbayan sa mga kasong plunder at graft laban kay dating Senador Jinggoy Estrada kaugnay sa pork barrel scam case.
Ito ay matapos ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ni Estrada sa botong 6-4.
Sa en banc session ng Korte Suprema, pinagtibay nito ang findings of probable cause ng Office of the Ombudsman para kasuhan ng katiwalian at pandarambong si Estrada.
Hindi naman isinapubliko ng Supreme Court kung sinu-sino ang mga mahistrado na bumoto kontra at pabor kay Estrada.
Ang kaso laban sa dating senador ay nag-ugat sa sinasabing maanomalyang paggamit ng PDAF nito na pinadaan sa mga pekeng NGOs ni Janet Napoles.
Tinatayang 183.79 million pesos na halaga ng kickback sa kanyang pork barrel funds mula 2004 hanggang 2012 ang sinasabing naibulsa ni Estrada.
Nakabinbin ang PDAF cases ni Estrada sa Sandiganbayan Fifth Division na una nang pumayag na makapagpiyansa ang dating senador.
Ulat ni Moira Encina