Korte Suprema pinagtibay ang hatol na life imprisonment sa dalawang human traffickers
Kinatigan ng Supreme Court Second Division ang parusang life imprisonment at multang tig- P2 milyon sa dalawang indibiduwal na hinatulang guilty sa qualified trafficking dahil sa pagbugaw sa mga menor de edad.
Sa desisyon ng SC Second Division, ibinasura nito ang apela na inihain nina Rizalina Janario Gumba alyas “Mommy Riza,” at Gloria Bueno Rellama alyas “Mommy Glo” at pinagtibay ang mga ruling ng Court of Appeals (CA) at Pasay City Regional Trial Court (RTC) na nag-convict sa dalawa sa human trafficking.
Ang mga akusado ay floor managers sa bar sa Cavite kung saan kinuha para magtrabaho ang mga biktimang babae.
Sinabi ng Korte Suprema na lahat ng apat na elemento sa trafficking para sa prostitusyon ng mga bata ay napatunayan ng prosekusyon.
Bukod sa hatol na life imprisonment at multa , ipinagutos din ng SC kina Gumba at Rellama na bayaran ang dalawang tig- PhP500,000 bilang moral damages, at tig-PhP100,000 bilang exemplary damages na may legal interest na 6% per annum mula sa finality ng ruling hanggang sa buo itong mabayaran.
Moira Encina