Korte Suprema, pinagtibay ang notice of disallowance na inisyu ng COA laban kay dating Laguna Gov. Teresita Lazaro at mga dating Provincial officials
Kinatigan ng Korte Suprema ang notice of disallowance na inisyu ng Commission on Audit na nagpapanagot kay dating Laguna Governor Teresita Lazaro at anim na iba pang dating provincial officials dahil sa kwestyonableng pagbili ng mga medical items noong 2004 at 2005 na nagkakahalaga ng mahigit 118 million pesos.
Sa 21 pahinang desisyon ng Supreme Court en banc, pinagtibay nito with modification ang mga desisyon at resolusyon ng COA noong 2011 at 2014 na nag-disallow sa pagbili ng Laguna provincial government ng mga gamot, medical at dental supplies, at equipment.
Ibinasura rin ng SC ang petisyon na inihain nina Lazaro, Provincial Administrator and Bids and Awards Committee Chairman Dennis S. Lazaro, Provincial Budget Officer and Bids and Awards Committee Vice Chairman Marieta V. Jara, Provincial Attorney Antonio P. Relova, Provincial Engineer Gilberto R. Mondez, General Services Office OIC Pablo V. Del Mundo, Jr., at Provincial Health Officer II Alsaneo F. Lagos.
Dahil dito, sinabi ng SC na tama lang ang desisyon ng COA at dapat managot ang dating gobernador at mga opisyal ng lalawigan.
Pinaboran naman ng Korte Suprema ang petisyon ni Office of the Provincial Accountant OIC Evelyn T. Villanueva dahil nangyari ang transaksyon bago siya maitalaga sa naturang pwesto kaya wala siyang partisipasyon sa pagbili ng mga medical items.
Nagisyu ang COA ng notice of disallowance dahil sa walang isinagawang public bidding ang Laguna Provincial Government sa pagbili ng mga medical supplies at gamot.
Bukod dito, may nakasaad na brand names sa ginawang purchase request na paglabag sa procurement law.
Ulat ni Moira Encina