Korte Suprema, pinagtibay ang optional retirement ni Chief Justice Peralta
Binuksan na ng Judicial and Bar Council ang aplikasyon at nominasyon para sa pwesto ng Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Ito ay matapos aprubahan ng Supreme Court ang optional retirement ni Chief Justice Diosdado Peralta noong Enero 5, 2021.
Sa abiso ng JBC, sinabi na epektibo ang pagreretiro ni Peralta sa March 27, 2021 na ika- 69 taong kaarawan ni Peralta.
Ang mandatory retirement age ng mga mahistrado ng Korte Suprema ay 70 anyos.
Una nang kinumpirma ni Peralta na magreretiro siya nang maaga sa pwesto pero hindi na binanggit ang dahilan.
Itinakda naman ng JBC ang deadline sa pagsusumite ng aplikasyon at iba pang documentary requirements para sa Chief Justice post sa Pebrero 15.
Si Peralta ang pangatlong punong mahistrado na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nahirang sa Korte Suprema si Peralta noong 2009 bilang Associate Justice at nagsilbi rin siya bilang Associate at Presiding Justice ng Sandiganbayan mula 2002 hanggang 2009.
Naging Presiding Judge din si Peralta sa Quezon City Regional Trial Court Branch 95 bago siya maitalaga sa Anti-Graft Court.
Isa sa mga malalaking desisyon na isinulat ni Peralta ay ang pagpabor sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Moira Encina