Korte Suprema pinagtibay ang pagbasura ng graft case laban sa isang ex-UN diplomat
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Office of the Ombudsman laban sa ruling ng Sandiganbayan na pumabor sa demurrer to evidence na inihain ng dating diplomat na si Lauro Baja Jr.
Ang kasong graft laban kay Baja ay nag-ugat sa sinasabing kuwestyonableng representation expenses nito noong 2003, 2004, at 2005 na nagkakahalaga ng $28,934.96.
Sa nasabing panahon si Baja ang Philippine Permanent Representative to the United Nations at Chief of Mission I para sa Philippine Mission to the United Nations sa New York City, USA.
Pero, ibinasura ng Sandiganbayan ang graft case laban kay Baja matapos na pagbigyan ang demurrer to evidence nito.
Sa desisyon ng Korte Suprema, pinagtibay nito ang pagkatig ng anti-graft court sa hirit ni Baja ma-dismiss ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Iginiit ng Korte Suprema na sa oras na mapagtibay ang demurrer to evidence sa isang kriminal na kaso ay katumbas ito ng acquittal o pag-absuwelto sa kaso.
Sinabi ng Supreme Court na malalabag ang right against double jeopardy ni Baja sa ilalim ng Saligang Batas kung muling ipo-prosecute ang kaso.
Ayon pa sa SC, walang pag-abuso sa panig ng Sandiganbayan nang paboran nito ang demurrer to evidence ng dating diplomat.
Moira Encina