Korte Suprema pinagtibay ang pagkahalal sa isang mayor sa Abra
Kinatigan ng Korte Suprema ang pagkapanalo sa eleksyon noong 2019 ng isang alkalde sa Abra.
Sa botong 11-2, ipinawalang-bisa ng Supreme Court ang desisyon ng COMELEC na kanselahin ang certificate of candidacy na inihain ni Rovelyn Echave Villamor na nanalong mayor ng Lagangilang, Abra noong May 2019 elections.
Ibinasura rin ng SC ang electoral protest na isinampa laban kay Villamor ng nakatunggali nito na si Antonio Bello Viernes.
Ayon sa Korte Suprema, immediately executory ang desisyon nito.
Naghain ng petisyon si Villamor laban sa mga resolusyon ng COMELEC Second Division at En Banc na nagkansela sa kanyang COC dahil sa false material representation bunsod ng isyu ng pagiging naturalized American citizen nito.
Iginiit ni Villamor na bagamat siya ay naturalized American citizen ay nakatugon siya sa lahat ng requirements sa batas para sa reacquisition ng kanyang Filipino citizenship bago siya maghain ng COC.
Moira Encina