Korte Suprema, pinagtibay ang Writ of Kalikasan na ipinalabas ng Court of Appeals laban sa operasyon ng isang landfill sa Cebu City
Pinagtibay ng Korte Suprema ang pagpapalabas Court of Appeals ng Writ of kalikasan na permanenteng ipinapatigil ang pagtatambak ng basura sa Inayawan landfill sa Cebu city.
Sa desisyon na isinulat ni Supreme Court Associate Justice Noel Tijam, ibinasura ang petisyong inihain ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña na humihiling na baligtarin ang kautusan ng CA na inisyu nito noong December 2016.
Una nang kinatigan ng CA ang hinihinging writ of kalikasan ng petitioner na si Joel Capili Garganera.
Pinaboran din Supreme Court ang utos ng CA na isailalim ang Inayawan landfill sa rehabilitasyon.
Naniniwala ang Korte Suprema na nagdudulot ng panganib sa kalikasan ang pagbubukas ng operasyon ng Inayawan landfill.
Noong Setyembre 2016 nagpalabas ang Environment Management Bureau ng notice of violation laban sa landfill.
Inirekomenda rin ng Department of Health ang pagpapasara sa pasilidad dahil sa kawalan ng mga sanitary requirements at isyung may kinalaman sa kalusugan, kapaligiran at kaligtasan ng komunidad.
Ulat ni Moira Encina