Korte Suprema, pinal nang ibinasura ang hirit ng Gabriela Partylist na maiproklama ang ikatlong kinatawan nito sa Kamara
Pinal nang ibinasura ng Supreme Court ang petisyon ng Gabriela Women’s Partylist na magkaroon ito ng pangatlong kinatawan sa Kamara para sa 17th Congress.
Ito ay matapos hindi katigan ng Korte Suprema ang motion for reconsideration ng Gabriela dahil sa kawalan ng merito.
Una nang ibinasura ng Supreme Court ang petisyon ng partylist group dahil sa forum shopping.
Ayon sa SC, inabuso ng Gabriela ang court process nang maghain ito ng petisyon sa Korte Suprema gayong hindi pa napapagpasyahan ng COMELEC ang apela nito sa resulta ng 2016 elections.
Hindi rin anila inilagay ng Gabriela sa kanilang verification and certification of non-forum shopping na ang kanilang Omnibus Motion ay nakabinbin pa sa COMELEC.
Paliwanag ng SC, ang kabiguan ng Gabriela na sumunod sa rules kaugnay sa non-forum shopping ay sapat ng dahilan para ibasura ang petisyon.
Ulat ni : Moira Encina